Ang bata…
Nagmamakaawa…
Nanghihingi ng tulong…
Walang nakakarinig…
Lagi siyang nasa aking panaginip. Hindi ko maikubling maawa sa sinapit ng musmos.
Nang ako’y magising ay nakagayak na si James, may pasok pa siya sa trabaho kahit Linggo. Ayon sa kanya, ang day-off niya ay Sabado’t Miyerkules. Tamang tama, maari kaming magkita sa Miyerkules dahil wala rin akong pasok sa araw na iyon. Hinatid ko siya sa sakayan ng jeep. Magkahiwalay ang landas namin sapagka’t siya’y papuntang Marikina, at ako nama’y pabalik na ng Maynila. Habang nag-aabang ng masasakyan ay panandalian ko munang kinausap si James.
"hmmm… Can we meet on Wednesday?", tanong ko kay James.
"Sure, anong oras naman at saan?" tugon ni James sa akin.
"SM Megamall, para meet tayo half way. Ok lang ba?" anyaya ko sa kanya.
"Sige, walang problema, oh teka, ayan na yung jeep, bye! Text –text na lang tayo muna ah." pagkasambit ni James ng mga katagang iyon ay sumakay na siya sa jeep. Nasa bandang unahan siya at katabi ng tsuper. Mula sa side mirror ay nakikita ko siya at nakatingin rin naman siya sa akin mula sa naturang salamin habang nakangiti. Pasimple akong kumaway sa kanya na tanda ng pamamaalam.
Nang malayo na ang jeep na sinakyan ni James ay nakatanggap ako ng text, galing kay Niel.
"Best, kamusta ang booking? Balitaan mo naman akes!"
"Loko ka, walang nangyari sa amin"
"Echos, ikaw pa. Kilala ko pagkababae mo noh"
"Ang kulit mo noh, sinabi nang wala eh".
"Ok Sabi mo eh, next week ko na bayaran utang ko ah. Bibili pa ang lola mo ng bagong cellphone"
Hindi na ako nagreply kay Niel. Mamaya na lamang pagkauwi ko. At dahil sa nagmamadali na ako ay sumakay na lamang ako kaagad ng MRT. Medyo nahihilo pa ako kaya naisipan kong matulog habang nagba-biyahe. Pagkagising ko ay wala nang lulan ang tren kundi ako. Kaya dali-dali akong bumaba ng tren upang lumabas ng istasyon na ito upang makalipat sa LRT. Tila umiikot pa rin ang aking paningin. Mabuti na lamang at lagi akong may dalang LRT card kaya nakasakay ako kaagad ng tren. Ilang istasyon lamang ang daraanan ng tren bago ako makauwi mula sa EDSA.
"Libertad"
"Gil Puyat"
At nakababa na nga ako ng Vito Cruz station. Naglakad ako patungo sa gusaling tinutuluyan namin ni Dave. Nang makarating na ako sa nasabing building ay nag-elevator ako hanggang sa ika-dalawampu’t tatlong palapag at tinungo ang aming kwarto.
Gising na rin pala si Dave. Himala, ang alam ko’y kapag Linggo ng umaga ay tulog-mantika ang kapatid kong ito. Inusisa ko muna si Dave.
"May lakad ka ata, san ka naman pupunta?" pabiro kong pangungulit sa kanya.
"Hmmm. Sa friend ko, birthday celebration. He invited me, nakakahiya namang tumanggi. Ikaw kuya, saan ka galling?" pabalik na tanong niya sa akin.
"Sa friend ko rin, medyo naka-inom ako kaya dun na ako natulog", habang kausap si Dave ay hinubad ko ang aking suot na damit upang makapagpalit.
"Ows? Friend nga ba bro? eh bakit may kiss mark ka sa dibdib?" biglang tanong sa akin ni Dave.
Nagulat ako sa sinabi ni Dave kaya tiningnan ko kaagad ang aking sarili sa salamin. Naku, mayroon nga! Hindi ko siguro namalayan na nagkaroon ako ng marka dahil sa nangyari sa amin ni James kagabi. Nakakahiya at nakita pa ito ng nakakabata kong kapatid. Hindi ko alam ang gagawin kong palusot kaya ang nagsabi na lamang ako ng..
"Ah, wala yan. Wag mo na lang pansinin. I’m on the right age na rin naman di ba."
"Ok. Whatever. Anyway, I’m going na. Baka late na rin ako umuwi, pero di ako magpapa-umaga, may pasok pa ako bukas" tugon sa akin ni Dave.
Pagkalabas ni Dave ay naglinis ako ng kwarto. Lagi ko naman itong ginagawa kapag wala akong pasok. Konting pagwawalis, paglalagay ng mga gamit sa wastong lalagyan at pinakahuli naman ang paglalabas ng basura. Habang nagsasalin ng mga basura mula sa trash can at inilalagay ko na ito sa itim na trash bag ay may nakita ako na lubha kong ikinagulat.
Isang gamit na condom na mamasamasa pa.
Mukhang kagagamit lang. Aba, at hindi lang pala ako ang may ginawang kababalaghan kagabi, maging si Dave ay ganoon rin. Marahil nang malaman niyang hindi ako uuwi ay may inaya siya sa bahay. Hindi ko na lamang siya pakikialaman kasi parehas na kaming nasa hustong gulang at may sariling mga pag-iisip.
Lumipas ang ilang oras.
Maghapon kong hinintay ang text ni James subali’t wala pa rin. Wala akong makausap sa telepono kundi ang aking matalik na kaibigang si Niel. Ilang saglit na lamang ay nagtext na rin sa akin si James.
"Sorry, bawal ang cp sa work, tuloy tayo sa Wednesday ah. Text kita ulit mamaya pagkauwi ko"
Yun lang ang natanggap kong text galing kay James. Pero mas mainam na yun kaysa wala akong mabasang mensahe niya. Kahit papano ay nalaman ko na nais niya rin akong makita ngayong darating na Miyerkules. Nanabik na rin akong makita siya.
Tatlong araw na rin ang nagdaan. Nauna akong makarating sa Mega Mall. Matagal-tagal na rin akong nakatayo sa tapat ng skating rink at inaabangan ko siya upang surpresahin. Nakakubli sa aking bag ang isang pirasong rosas na nakalagay sa isang karton. Ibibigay ko it okay James mamaya kapag nakakuha ako ng tamang tiyempo. Ilang sandali na lamang at naaninag ko na siya mula sa malayo. Nakasuot ng puting t-shirt at maong pants. Napakapayak ng kanyang gayak subali’t pansin pa rin ang matikas na hubog ng kanyang katawan at aliwalas ng kanyang mukha.
"Im sorry traffic kasi eh. Kanina ka pa ba?", tanong niya sa akin na tila nahihiya dahil sa hindi niya pagpunta sa takdang oras.
"No. it’s ok, I just arrived din naman eh. San tayo magdidinner, dun na lang sa Davao Tuna Grill?" anyaya ko sa kanya.
At sumang-ayon siya sa akin na doon na lamang kami kumain, "Ok, sige, medyo gutom na rin naman ako eh."
Ako na sana ang magbabayad ng binili namin subali’t hindi siya pumayag. Wala na siyang nagawa nang inabot ko sa kahera ang limang daang piso. Naglakad kami patungo sa ikalimang mesa mula sa pinagbilhan ng pagkain at naupo na magkaharap. Habang kumakain ay pinagmamasdan ko siya. Medyo tahimik, wala masyadong imik. Hinayaan ko na lang at baka dala lang ito ng pagod sa biyahe. Nagpatuloy na lamang ako sa pagkain. Matapos kumain ay napagkasunduan naming maglakad-lakad sa likod ng mall at tinungo ang isang maliit na parke na katabi ng isang coffee shop.
Binasag ko ang katahimikan naming dalawa, "Kamusta na ang work?"
"Maayos naman, nakakapagod pa rin, pero kailangang magtrabaho. Kahit na maliit lang yung suweldo, wala naman akong magagawa", sambit sa akin ni James habang nakatingin sa langit. Medyo makulimlim at wala masyadong bituin ang aking naaaninag.
"Bakit hindi mo subukang mag-call center?" tanong ko sa kanya.
Bumaling siya sa akin ng tingin at malumanay na sinabi, "Hindi ako matalino, isa’t kalahating taon lang ako sa college at hindi pa ganoon kagaling mag-English. Kaya ito lang ang kaya kong gawin"
"Pero nakakapunta ka sa bar kahit wala ka na masyadong sinasahod"
"Alam mo, isang paraan lang yon para makabawas ng stress, sa totoo lang, isang beses sa isang buwan lang ako nagpupunta sa bar, nagkataon lang na nagkakilala tayo doon."
Mukhang napasobra yata ang aking pagtatanong kaya nanghingi ako ng paumanhin kay James, "Ah, sorry if naoffend yata kita sa question ko na yun, anyway, nasan na ang family mo?"
"Nasa probinsya, ang nanay at tatay, kasama na rin yung asawa ko at yung isa naming anak"
Nagitla ako ng bahagya si narinig ko kay James kaya kinumpirma ko sa kanya ang aking narinig, " You mean, you have a wife and a child sa probinsya?!"
"Hindi pa naman kami kasal, nagkatuwaan lang, nag-inuman, nalasing, at hindi ko na namalayan, nagising akong parehas kaming wala nang damit. Matagal na pala niya akong gusto. Lumipas ang ilang buwan, nalaman ko na lang na buntis na pala siya." Paliwanag sa akin ni James.
"So you’re bisexual talaga. Pero may anak ka na at asawa kahit na hindi pa kayo kasal, halos ganoon pa rin yun, right?! And then muntik nang may mangyari sa atin last sunday"
"Tao lang din ako, hindi mo maiiwasan na may hanapin ang parte ng pagkatao ko dahil hindi ako perpekto. Nagkataon lang na maaga akong nagkaroon ng pamilya, darating ang araw, mapipilitan ka ring mag-asawa dahil mai-isip mo na hindi panghabang buhay, magiging masaya ka bilang kung ano ka man ngayon. Mahirap tumandang bakla o silahis. Baka magsisi ka sa huli na isa-isantabi ka na lamang ng mga kapatid mo" winika sa akin ni James at muling ibinaling niya ang kanyang mga mata sa langit. Tila malalim pa rin ang kanyang iniisip…
Mag-iika sampu na ng gabi at napag-isipan naming dalawa na oras na para umuwi. Kahit papaano’y masaya ako at nakasama ko siya. Subali’t nagdadalawang isip ako kung ipagpapatuloy ko ang aking balak na panliligaw sa kanya.
Katulad ng nakagawian, una ko muna siyang hinatid sa sakayan ng jeep papuntang Cubao. Nagpaalam ako sa kanya at pasimpleng inabot sa kanya ang nakakartong rosas. Hindi naman halata kung ano ang laman ng kartong ito sapagka’t nakabalot ito ng papel. Sayang naman kung hindi ko maibigay sa kanya.
Dahil sa wala nang MRT, ako’y sumakay na lamang ng bus pauwi…
...na puno ng agam-agam.
(itutuloy…)